Dalawang araw bago ang pagbubukas ng Palawan National School sa Agosto 22 ay nagdaos ng 1st Senior High School General PTA Meeting para sa mga mag-aaral ng Senior High School, umaga para sa Baitang 11 at hapon para sa Baitang 12.

Ito ay bahagi ng ginagawang paghahanda ng buong pamunuan ng PNS sa pangunguna ni Dr. Eduardo G. Santos, Punong-guro IV para sa bagong taong-panuruan 2022 – 2023 na ginanap sa Abueg Gymnasium, Agosto 19.

Naging tema ng pagpupulong ang “Rebuilding Better Days” kung saan ay tinalakay ang iba’t ibang agenda tungkol sa kalusugan at kaligtasan, mga rekord pampaaralan, paggabay at pagpapayo, at ulat ukol sa Brigada Eskwela.

Nagbigay ng pambungad na mensahe ang bagong talagang Kawaksing Punong-guro II ng SHS na si G. Marcelino L. Porcal at kanyang binigyang-diin ang pakikiisa ng lahat ng magulang sa iisang layunin na maihanda ang paaralan para sa ligtas na balik-eskwela. Kanyang pinasalamatan ang sakripisyo ng mga magulang bilang pangunahing katuwang ng paaralan sa pagtataguyod ng edukasyon.

Samantala, inilatag ni Dr. Santos ang mga programa, polisiya, at plano ng PNS para sa pagpapabuti ng sistema ng edukasyon tulad ng inobasyong Radio Frequency Identification (RFID) at pagtalakay sa kahalagahan ng pagsusuot ng uniporme.

Pagkatapos ng pangkalahatang pulong ay nagtungo ang mga magulang sa kani-kaniyang mga klasrum upang makilala ang tagapayo.

Sa kasalukuyan ay mayroon ng 4279 ang nakapagtala sa SHS na indikasyon ng 6% pagtaas kompara sa nakaraang taong populasyon.